Reyna, a Filipino restaurant in Paris, 19 April 2025
Sa tuwing ako ay bumibiyahe, hindi nawawala na maghanap ng lutong Pinoy, lalo na sa Europe. Nung nalaman namin ng mga kaibigan ko na merong sikat na restaurant sa Paris na ang chef na may-ari ay isang kababayan, hindi kami nagatubili na tawagan sila at magpa-reserve ng table for dinner.
Maliit lang ang Reyna, at may ilang minutong lakad din kami mula sa huling tourist spot na pinuntahan namin. Tahimik ang kalye, wala masyadong tao, pero laking gulat namin na puno ang restaurant. Kung hindi kami siguro tumawag agad, malamang wala kaming mauupuan.
Nakakatuwa ang staff nila. Filipino ang waiter na sumalubong sa amin, galing Siargao. Ang ganda ng sales pitch nya sa bawat ulam na nasa menu, at hindi kami nagsisi sa inorder namin. Ang ibang staff din ay marunong mag-Tagalog. Para sa isang OFW na bihira makakita ng Pinoy sa aking pinagtatrabahuan, parang musika sa aking mga tenga ang pakikipag-usap sa kanila. Napakagiliw nila, at masaya din sila na may Pinoy na tumatangkilik sa lugar nila.
Ang Reyna ay pagmamay-ari ni Chef Erica. Palagi daw siyang nasa kusina ng Reyna, kaso nahiya lang kaming lumapit at madaming tao. Ang menu nila ay nag-iiba, depende sa panahon. Nakabase sa Filipino and Southeast Asia ang kanilang pagkain, pero may French twist, ika nga ng website nila. Swerte namin at may palabok noong andoon kami, may 4 na buwan na din akong hindi nakakakain nito, pati ang leche flan! Para akong nakauwi ng Pilipinas bigla.
Hindi kami nagsisi sa aming pagpunta sa Reyna. Sa susunod na balik ko ng Paris, panigurado, kasama ito sa listahan!
Maaari ninyong bisitahin ang kanilang website sa link sa ibaba:
Comments
Post a Comment